Wednesday, May 2, 2012

Epiko 23: "Sige, Magsulat Ka Lang.... At Magkape"

     Walong taon na ang nakakalipas nang una kaming nagkita sa boardinghouse ko. Papasok ako sa klase noon at nang manalamin ako para ayusin ang sarili ko ay nakita ko siya na nakatayo sa likod ko na basang-basa ng ulan. Kahit hindi ko pa siya kilala, agad kong pinahiram sa kanya ang bagong laba kong damit at kumot. Sa unang pagkakataon, pinagtimpla ko ng kape at inasikaso ang isang babae. Baka kasi magkasakit siya. 


     Hindi ko akalain na ito na pala ang sandaling nagpabago sa buhay ko.


     Siya si Nancy. Classmate siya ng isa kong kasama sa boardinghouse na noong panahon na 'yon ay kumukuha ng kursong Mass Communication. Makalipas ang ilang linggo noong una kaming magkakilala, naging magkaibigan kami. Palagi na siyang tumatambay sa boardinghouse ko kasama ang mga kaibigan at classmate niya. Nagkaroon ng buhay ag boring at nakakatamad na bahay-tuluyan namin dahil palagi na kamung may bisita.


     Isang araw, dumating siya sa boardinghouse habang gumagawa ako ng tula na ipapasa sa professor ko. Hindi ko akalain na nabasa niya ito habang pinagtitimpla uli siya ng kape. Hindi ko akalain na nagustuhan niya ang ginawa ko. Ang totoo kasi niyan, habang ginagawa ko 'yun, iniisip ko siya.


     "Ang galing! Sige, magsulat ka pa!" wika niya sa akin. Simula noong araw na 'yon, kapag wala akong ginagawa o kaya ay nag-iisa, nagsusulat ako ng tula. Hindi ko namamalayan na madami na pala akong nagagawa. Kapag nakatapos ako ng isa, pinababasa ko sa kanya. Hindi maiiwasan na may pangit siya na nababasa pero dahil mahinahon siyang magsalita, natatanggap ko 'yun at pinagbubutihan ko pa.


     Ang pagsusulat ng tula ay napunta sa paggawa ng nobela, piyesa ng teatro, maikling kwento at iba pang anyo ng pagsulat... mapa-English man o Filipino. Nagsususlat na ako dati mula pa noong highschool pero iba ang pakiramdam ngayon kaysa dati. Mas intense at mas buhay na buhay ang bawat sulat na tila nakakabuo ka ng imahe sa isip. Ito ay dahil kay Nancy.


     May nagtanong sa akin na kasama sa boardinghouse na "In-love ka ba kay Nancy?" Hindi ako nakasagot agad. Doon ko nalaman na marami palang nanliligaw sa kanya sa school. Pero wala siyang sinagot at nagustuhan Noong mga panahon na 'yon, marami ang nagsasabi na "heartbreaker" o nagbibilang ng lalaking paiiyakin ang babaeng 'yon. Binalaan nila ako na huwag ko siyang ligawan. Pero ang totoo, wala talaga akong balak na ligawan siya. Gusto ko lang na mabasa niya ang mga sinusulat ko. 'Yun lang.


     Isang araw, niyakag ako ni Nancy na kumain sa labas. As usual, may kape. Pero sabi niya sa akin, gusto niya na ako ang magtimpla nito. kaya kahit kakaiba, bumili ako ng kape at asukal sa isang tindahan at humingi ng mainit na tubig at tsaka nagtimpla ng kape para sa kanya. Ewna ko ba sa kanya pero gustong-gusto niya ang kape na ako  ang nagtimpla.


     "Alam mo ba na ang pagsusulat ay parang pagtitimpla ng kape? Kasi madali para sa isang tao na makilala ang kanyang pagkatao kapag natikman mo kung paano siya gumawa nito. Tulad mo,  naglalaban ang lasa ng kape at asukal kapag ikaw ang gumawa. Katuald din ng mga sinulat mo na pantay ang mga elemento na kailangan ng istorya at mga tula mo na may dalawang mukha at kahulugan. Iniisip ko tuloy kung paano ka mag-isip at paano maglaban ang mga ideya mo kapag nagsusulat ka."


     Hindi ako nakasalita ng mga sandaling 'yon. Hindi ko inasahan na maririnig ko 'yun sa kanya.


     "Ituloy mo ang pagsusulat. Malayo ang mararating mo kapag ginawa mo 'yun. Alam ko na magtatagumpay ka. Marami ka pang matututunan sa buhay." dugtong niya habang humihigop ng kape.


     Simula noon, naging parte na ng buhay ko ang pagsusulat. Dahil sa kanya, nakita ko kung ano talaga ang gusto kong gawin at masaya ako dito. Alam ko kasi na a babasahin niya ang mga ginawa ko.


Ngunit umalis siya ng unibersidad kasabay ng pag-alis ko sa mundo ng medisina. Nabalitaan ko na lang na pinili niya ang daan upang maging lingkod ng Diyos. Umalis siya ng bansa at nanaitli sa Bangladesh ng maraming taon.


     Nawalan man kami ng komunikasyon, tuloy pa din ang aking pagsusulat. Akala nga ng iba eh mahal ko siya. Pero ang totoo, siya ang dahilan kung bakit minahal ko ang pagsusulat.


     At dahil dito, hindi ko nagawang magpasalamat sa kanya sa kanyang ginawa sa akin.


    Minsan sinabi mo sa akin na "Kung alam mo ang dahilan kung bakit mo ako sinusulatan, alam mo din ang dahilan kung bakit ka nagsusulat para sa iba." Huwag kang mag-alala, magpapatuloy akong magsulat pero hindi na para sa 'yo... kundi para sa lahat. Kung hindi ko kayang magsulat muli para sa 'yo, magsusulat ako para sa lahat. 


     Para sa 'yo ang blog na ito Nancy. Maraming salamat. 



Epiko 22: "Sige... Lakad!"

Bakit ba tayo naglalakad?

Bago pa naimbento ang gulong at pagpapaamo ng mga domesticated animals tulad ng kabayo at kamelyo noong panahon bago ang kapanganakan ni Kristo, ang paglalakad ang tanging paraan ng transportasyon. Ito ang paraan na ginawa ni Moises para makarating ang mga kawawang Israelita sa lupang pangako. Apatnapung taon ang ginugol sa paglalakad nila gamit lang ang kanilang paa. Sa Pilipinas, ang makasaysayang "Death March" ang nagsilbing mitsa ng ilang buhay at nagpahirap sa mga sundalong Pilipino at Amerikano noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa simpleng sitwasyon, hindi makakarating ang isang tao sa tindahan  kung hindi siya gagamit ng paa para maglakad (ibang usapan na kung naka-wheelchair ka.).

Sa mundo na kung saan pinapagalaw ng gasolina at krudo, ang paglalakad ay hindi maitatangging mahalaga sa bawat isa sa atin. Hindi kumpleto ang nilalang na may paa kung hindi siya nakakalakad. Kahit nga ang may kapansanan, gumagawa ng paraan para makalakad at kahit 'yung hindi makalakad, gumagastos ng malaking halaga para makalakad uli.

Iba't-iba ang interpretasyon natin sa salitang ito. Pero sa nakakarami, isa itong metapora na nagsasaad ng pagsulong o progreso. Abnormal ka kung naglalakad ka ng patalikod. Sa bawat hakbang na 'yong iniyayapak sa lupa ay simbulo ng pagtungtong sa bagong baitang ng pagbabago at pag-unlad.  Ngunit tulad ng literal na kahulugan nito, mabagal ang prosesong ito kumpara sa pagtakbo.

Isang taon na lang at may halalan na naman na mangyayari. Maraming "tatakbo" na kandidato sa iba't-ibang posisyon ng gobyerno. Ang iba sa kanila, tila nagmamadali (tulad ng napanood ko sa T.V. na asawa ng kilalang "nakaligo sa dagat ng basura) na makuha ang atensyon ng masa kaya nagpaparamdam na sa publiko. Sari-saring publicity ang ginagawa ng mga tatakbo para sa halalan. Kung tutuusin, isa sa mga makulay at madugong halalan sa Asya ay ang Pilipinas. Para kasing "circus" bansa natin kasi sari-saring pasikat at pagyayabang ang ginagawa ng mga gustong tumakbo para sa isang partikular na posisyon. Marami ding raket at trabaho ang sumusulpot. Mapa-campaign manager, printing press, tarpaulin at hired killer eh kumikita ng malaki.

Pero sa bandang huli, kung gaano kabilis ang kanilang ginawa sa pangangampanya ay ang mabagal na paglakad ng kanilang panukala na kung minsan ay parang inililista na lang nila sa tubig. Nakakalungkot dahil mabagal na paglakad ng ating pag-unlad tungo sa isang magandang bansa.

Ngunit may kasabihan tayo na "Matuto munang gumapang bago lumakad." May ilan naman na kahit mabagal ang proseso ng paglakad ng panukala ay nagkakaroon ng improvement sa kanilang ginagawa. Ang nakakalungkot lang ay hindi ito agad nararamdaman ng mga kababayan natin. Likas kasi sa atin ang nagmamadali at tumatakbo ng matulin. Kaya kung natitinik tayo ay malalim.

Pero hindi sapat na sila lang ang gumagalaw o lumalakad. Mayroon din tayong responsibilidad para sa ating bansa upang umasenso. Tama na ang "ugaling talangka", "manyana habit", "sistemang kompadre", "red tape" at ningas-kugon" na masamang anino ng Pilipino. Kung gusto natin ng pagbabago, magsimula ka sa isang hakbang. Simulan natin sa ating sarili ang pagbabago (mas masaya pa nga kung may ka-holding hands ka).

Alam natin na malayo pa ang ating lalakarin pero kung hindi tayo gagawa ng hahakbang, walang mangyayari sa ating pinapangarap na bansa. Hindi natin kailangang magmadali. Lahat ay nakukuha sa mahinahon at maayos na paggawa ng hakbang.


Monday, April 30, 2012

Epiko 21: "Kontratasismo"


Kontrata

Isa itong kasulatan na kung saan nagkakaroon ng kasunduan ang dalawang panig tungkol sa mga kundisyon at patakaran para magkaroon ng magandang transakyon pagdating sa trabaho o negosyo. Mahalaga ang kasulatang ito dahil magkakaroon ng pagkakaintindihan ang magkabilang panig at kung hindi man, ito ang magiging batayan para sampahan o putulin ang ugnayan ng dalawang tao.

Sa aking karanasan bilang isang "contractual employee," nakikita ko malaki ang epekto ng kontraktwalisasyon. Una, hindi nagkakaroon ang nakakaraming Pilipino ng permaneteng trabaho. Kung tutuusin nga, ang pangunahing pangangailangan ng mga kababayan natin ay trabaho. Ngunit dahil mabigat sa bulsa ang pagre-regular ng isang empleyado (lalo na pagdating sa benepisyo), mas praktikal para sa mga mamumuhunan ang magkaroon ng lima o anim na buwan na nagtatrabahong empleyado. 80% ng manggawang Pilipino ang nasa ilalim ng pansamantalang kontrata para makatawid sa pang-araw-araw na pamumuhay.

 Pangalawa, pagdating sa sikolohiyal na aspeto, malaki ang epekto ng kontraktwalisasyon sa "mindset" ng mga Pilipino. Ayon sa pag-aaral ng University of the Philippines - College of Psychology, isa ito sa mga dahilan sa hindi pagseryoyso sa trabaho (Ano pa kasi ang saysay mo sa isang trabaho kung hindi ka naman magtatagal di ba?), nawawalan ng pagkakataon na mag-ipon o mag-negosyo, at nakakababa ng kumpyansa sa sarili (Hindi naman kasi ikaw ang makikinabang ng matagalan dahil may kontrata ka).

Sa kasalukuyan, isinusulong sa kamara ang isang batas upang itigil ang kontraktwalisasyon sa mga kumpanya at ahensya ng pamahalaan. Ngunit maraming mamumuhunan at tutol dito sa kadahilanang hindi ito praktikal na aksyon upang mapabuti ang antas ng kanilang negosyo o pinuhunan. Ngunit sa kabilang banda, marami pa din sa mga kababayan natin ang tila naghahanap ng karayom sa isang ektaryang damuhan upang makahanap ng trabaho - kahit alam nila na ito ay pansamantala lamang. Napakaswerte mo kung nasa gobyerno ka dahil bukod sa nagpapalaki ka ng dragon sa tiyan habang walang ginagawa, madadagdagan pa ang sweldo mo.

Kaya nga taon-taon kapag dumadating ang unang araw ng Mayo, nagsasama-sama ang mga manggagawang handang ibuwis ang buhay para sa matagalang pagbabago. Halos mamatay na nga sila para ilaban ang P125.00 na dagdag sweldo sa mga pribadong sektor. Gusto nilang buwagin ang kontraktwalisasyon - ang sinasabing praktikal na paraan ng mga mamumuhunan. Ngunit wala pa din nangyayari. Praktikal kasi ang mga Pilipino kaya nga lahat ay ginagawa niyang praktikal - kahit na malaki ang naghihirap. Kung may kontrata lang sana ang buhay ng tao, baka marami na ang nag-endo (end of contract) o AWOL (absence without leave).

Ang Araw ng Paggawa ay nagpapaalala sa atin na may malaking kanser sa lipunan natin lalo na pagdating sa trabaho. Nasa sa 'yo kung paano ito gagamutin o hahanapan ng lunas. Habang nagta-trabaho ka na may "regular" ang sahod, maliwanag sana ang isip mo tungkol sa isyu na ito. Dahil kung hindi, praktikal ka din tulad ng naghaharing uri sa gobyerno at ekonomiya na ang tanging gamit lang para masukol ang masa ay isang pirasong papel na may pirma.

Sunday, April 29, 2012

Epiko 20: "Si Juan Dela Cruz at Ang Dragon"

Ang issue ng Scarborough Shoal at ang walang kamatayang pag-aaway sa isla ng Spratley ay isa sa mga matatagal na problema ng ating bansa pagdating sa pakikipag-relasyon sa bansang China. Hanggang ngayon, hindi pa din ito natutuldukan sa kadahilanang maramaing perspektibo ang dapat tingnan upang masolusyunan ang problemang ito. Halimbawa, kapag iginiit natin ang pag-angkin sa maliit na isla ng Spratley, magkakaroon ng malaking gulo sa kadahilanang hindi lang tayo "daw" ang umaangkin nito. Pero sa lahat ng bansang nagsasabi na "amin 'yan!", ang China ang kinatatakutan.

 Para sa inyong kaalaman, ang China ay tinaguriang "Sleeping Dragon of Asia." Ibig sabihin, makapangyariahan at malakas ang pwersa ng bansang ito pagdating sa militar, ekonomiya, teknolohiya at politikal na aspeto. Halos 70% ng bansa sa buong Asya ay nakikipag-kalakalan dito. Ibig sabihin, hindi mabubuhay ang mga "second" at "third" world countries kung wala ang China. Kahit noong panahon na hindi pa nabubuhay si Kristo, nakikipagkalakalan na tayo sa mga Intsik. Kung tutuusin nga, isa sila sa mga nagpayaman ng kulturang Pilipino. Natuto tayong kumain ng pancit, siopao at tikoy. Natuto tayong magnegosyo ng tingi (kaya nga tayo nagkaroon ng sari-sari store). Pagdating sa sining at arkitekto, nadaplisan tayo ng mga ito. Ito ang dahilan kung bakit nagkaroon ng Chinatown ang bawat bansa sa daigdig (at tayo ang unang nagkaroon nito). Sa kasalukuyan, malaki ang papel ng China sa ating ekonomiya. Kapag pumunta ka sa Divisoria, makikita mo na malaking porsiyento ng mga mamumuhunan dito ay mga Intsik. Kahit pumunta ka pa sa Makati, majority ng mga investors doon ay mga Intsik. Kahit ang mga ginagamit mo na  computer parts, celphone, de lata, sapatos, tela, plastic... at kahit shabu galing sa China.

Kaya nga hindi makapalag ang bansa natin kapag may mga hi-tech na barkong pandigma ang umaaligid sa Scarborough Shoal at Spratley. Kasi Sa oras na pumalag tayo, baka maging republika tayo ng China ng hindi sinasadya. Kahit may "Balikatan Exercises" pa tayo kasama ang mga Amerikano, tinapatan naman tayo ng mga Intsik kasama ang mga Russians. Mukhang hindi din naman papalag si Obama sa mga Intsik dahil kung titingnan ang status ng dalawang bansa ay di hamak na mas mataas ang China sa U.S. Kung sa tingin niyo na hindi nagpa-panic ang bansa natin, pwes nagkakamali kayo. Ang totoo, wala nang magawang hakbang si Noy-Noy Aquino sa sitwasyong ito.

Isa na lang ang solusyon niya - ang idulog ang problemang ito sa International Tribunal for the Sea. Pero hawak ng Intsik ang nasabing tribunal. Bilang Pilipino? Anong gagawin mo? Hindi ka bibili ng produktong "Made In China?"

Kapag ginawa mo 'yun, para ka na din naglason sa sarili. Ang isyung ito ay walang tiyak na patutunguhan. Kung ano man ang kahinatnan nito sa paglipas ng panahon, tandaan natin na may mga bagay na dapat o hindi dapat ipaglaban. Ang tensyon natin sa China ay hindi basta-basta krisis. Dapat isiping mabuti ng pamahalaan ang tamang hakbang at magdesisyon bilang isang matatag na republika para sa ikabubuti ng dalawang bansa. Nakakalingkot mang isipin pero bilang mga Pilipino, wala tayong magawa sa problemang ito.

Sunday, April 1, 2012

Epiko 19: "Dati, Channel 13 Lang ang May Palabas sa .T.V. Tuwing Semana Santa"



Holy Week na naman...

Tradisyon na sa mga sagradong Romano Katoliko na gunitain ang pagsasakripisyo at pagpapakasakit ng ating Panginoon upang matubos ang kasalanan ng sanlibutan. Iba't-ibang aktibidad ang isinasagawa sa buong isang linggo hanggang sa "Linggo ng Pagkabuhay." Masasabi natin na parte ito ng kulturang Pilipino ang senakulo, penitensya. pagpapako sa krus, paghahanap ng anting-anting tuwing Biyernes Santo, at pagpapatuli tuwing Sabado de Gloria (dahil sa paniniwalang hindi madugo ang araw na ito) na hindi na maiaalis sa paglipas ng panahon.

Ngunit sa paglipas ng maraming taon, unti-unti nang nagbago ang pananaw ng Semana Santa sa karamahian sa atin. Malayo na ito sa aking kinagisnang paggunita mula nang magka-isip ako. Wala na ako masyadong nakikitang nag-aayuno sa tuwing Biyernes sa loob ng apatnapung araw ng kwaresma. Gayundin, wala na ding kabataan ang nagno-nobena tuwing hapos sa simbahan Ang pagbasa ng pasyon ay nilapatan na ng "rap" na nagkaroon na matinding pagbatikos mula sa simbahan. Ang Visita Iglesia ay napalitan na ng family outing. Gayundin ang mag istasyon ng T.V. at radyo na noon ay talagang hindi nagpapalabas ng kahit anong programa... maliban sa Channel 13 na nagpapalabas ng "The Last Seven Words" at Ten Commandments.
"
Isang matanda nga ang napabuntong-hininga at napabulong sa sarili na "Nasaan na ang esensya ng Semana Santa?"

Hindi mo masisisi ang takbo ng panahon. Kailangang sumabay ang lahat sa pagbabago. Gayundin, maraming Pilipino ang nag-iba na ng pananaw sa Semana Santa. Ang dating pag-aayuno at pagdarasal ay walang kwenta kung hindi ka naman sumusunod o umaayon sa mga aral na itinuro sa atin ng Panginoon. Normal lang sa isang tao na ibahin ang nakasanayang pag-alala sa mga ginawang pagsakripisyo at pagpapakasakit ng ating Panginoon.

Ang mahalaga, hindi tayo dapat makalimot na alalahanin siya.

Panahon na din ang Semana Santa para isipin natin ang mga ginawa nating pagkakamali sa buhay. Ito marahil ang perpektong pgkakataon upang magmuni-muni at magbulay-bulay kung ano ang ating silbi sa mundong ito. Tama na muna ang makamundong gawain... Umupo ka muna sa isang tabi at manalangin. Kausapin mo ang Panginoon ng buong puso. Huwag mo itong gawin dahil Holy Week ngayon. Gawin mo ito araw-araw at hanggang sa nabubuhay ka pa sa mundong ito.

Wednesday, March 28, 2012

Epiko 18: "20 Dahilan ni Emong Kung Bakit Masaya sa Pilipinas"



Sa tinagal-tagal ko nang pagsusulat ng mga blogs, palagi kong ipinapakita sa satiriko o "ironic" na paraan ang mga negatibong imahe ng bansa. Ngunit nang mapanood ko ang video na "20 Reasons Why I Dislike The Philippines" ni Jimmy Sieczka, natauhan ao bigla.

Talaga bang hindi masaya sa bansa natin?

Siguro dahil maraming nakikipagsapalaran sa ibang bansa na kababayan nating OFW kasi hindi sapat ang kita dito. Malaki kasi ang oprtunidad sa ibang bansa hindi tulad dito sa Pilipinas. Sa sinabi ni Mr. Sieczka, maraming nagalit na Pilipino sa katotohanang tinatakasan natin. Nakakahiya lang kasi napuna niya ang baho ng mga Pilipino.

Pero bakit pa din niya gusto sa bansa natin pagkatapos niyang mag-public apology?

Nakita ko na ang baho at lansa ng mga Pilipino. Pero mayroon akong dalawampung dahilan kung bakit masaya sa Pilipinas

1. Nagkalat sa bawat kanto ang sari-sari store na pwedeng bilhan ng tingi-tinging paninda tulad ng sigarilyo, vetsin, candy at kung anu-ano pa. Kahit nga internet patingi na din.

2. Masarap umalis at umuwi ang mga OFW kasi buong barangay ang maghahatid at susundo sa 'yo.

3. Hindi ka iiwan ng pamilya mo kahit matanda ka na hindi tulad sa ibang bansa na sa home for the aged ang bagsak mo pagdating ng 70.

4. Masayahin ang mga Pilipino. Kaya nga stress-free tayo hindi tulad ng mga hapon at Koreano na nagpapakamatay kapag nade-desperado.

5. May "freedom of speech" tayong mga Pilipino. Halimbawa, PUNYETA KA NOYNOY!

6. Tayong mga Pilipino, mahilig kumain. Kahit nga bituka ng manok o kahit anong exotic foods eh game tayo.

7. Gusto natin na makilala tayo sa buong mundo at patunayan ang galing ng lahi natin. tulad ni Manny Pacquiao, Jose Rizal at Bb Gandanghari(?)

8. Magaling ang Pilipino sa pagsasalin ng kantang banyaga... at MANGGAYA.

9. Kahit saan, pwede kang bumili ng alak hindi tulad sa Singapore o sa mga kalapit-bansa natin.

10. May takot sa Diyos ang mga Pilipino. Hindi maikakaila dahil nagkalat ang iba't-ibang relihoyn at sekta sa bansa na nakaktulong sa espiritwal na kalakasan ng mga Pilipino.

11. Mahilig ang mga Pilipino sa mga reality shows na talaga namang nagapapkita na talentado ang mga Pilipino... kahit trying-hard na ang iba.

12. Pagdating sa diskarte sa buhay, numero uno ang Pilipino. Kaya nga kahit saang lupalop ka ng daigdig ay makakakita ka ng Pilipino na matagumpay sa piniling larangan.

13. "Texting Capital" ang Pilipinas. Wala pang nakaka-break ng record na ito.

14. Mahilig sa pagdiriwang o fiesta ang mga Pilipino. Kaya nga binibigyan ng panahaon ng mga ito ang mga reunion, alumni homecoming o simpleng birthday party.

15. Masarap magmahal ang mga Pilipino at Pilipina. Kaya nga mas gusto ng mga foreigner ang Pilipinas kasi "hospitable" at maasikaso tayo sa mga bisita at maha;l sa buhay (Tama ba ako Jimmy Sieczka? Kaya nga ayaw mong umalis dito eh).

16. Kapag nakakita ng malinis na ilog, dagat o sapa ang mga Pilipino, wala siyang pakialam. Basta maliligo siya.

17. Masarap kumain ng nakakamay ang mga Pilipino... lalo na kung kasalo ang buong pamilya.

18. Ang Pilipino kahit saan, pwedeng tumawid... kahit maraming sasakyan.

19. Pamilya ang prayoridad ng mga Pilipino. Hangga't maari, ayaw nilang magkahiwa-hiwalay... kahit matatanda na sila.

20. Kahit alukin mo ng pagkain, laging niyang sasabihin na "Sige, busog pa ako." Senyales ito na mapagkumbaba ang mga Pilipino.

Sa mga sinabi ko, ito ang basehan kung bakit hindi natin maitanggi o maikakaila na gusto natin maging Pilipino. Sana, wala nang iba pang Jimmy Sieczka na magpapaalala sa atin na magbulag-bulagan o magbingi-bingihan sa kanser at masamang gawi ng ating lipunan.

Monday, March 26, 2012

Epiko 17: "Ang Boring ng Buhay Kung Wala Si Miriam"




Sa nakalipas na tatlong buwan habang nililitis si Chief Justice Renato Corona, naging makulay ang impeachment proceedings sa katauhan ng pamosong senator-judge na si Miriam Defensor-Santiago. Kilala siya bilang isa sa mga respetado at matalinong senador sa bansa (at balang araw, sa kasaysayan ng Pilipinas) dahil sa kanyang matatapang at diretso sa puntong tanong sa panig ng depensa at prosekusyon.

Valedictorian mula elemetarya hanggang hayskul, nag-aral ng may nakuhang matataas na marka noong college, nag-aral sa Oxford at Harvard Universtiy ng abugasya. Aba, sinong hindi matatakot na banggain siya? Kapag ginawa mo siyang kalabanin, para mo nang inilagay ang sarili mo sa matinding pagpapahirap ng isip at katawan.

Sa aking panonood ng aking bagong sinusubaybayang telenovela sa T.V. na pinamagatan kong "Agawin Mo Ang Corona", hindi ko mapigilang abangan ang mga sasabihin ni Senator Santiago. Talaga naman maaksyon at makapigil-hininga ang bawat salita na kanyang binibitawan lalo na kapag "binobomba" niya ang dalawang panig na nagbabanggaan.

Pero alam naman natin na maraming naiinis o nagagalit sa kanya dahil sa kanyang mala-machine gun na bibig. Iniisip ko nga na paano kaya kung nanay ko Si Senator Miriam. Siguradong mape-pressure akong mag-aral o kaya ay hindi ko tatangkain na magpagabi sa daan. Ganun siguro ang naramdaman ng kanyang ana na nagbaril sa sarili dahil bagsak siya sa Bar Exams.

Paano naman kaya kung teacher ko si Senator Miriam sa school? Wala sigurong maingay sa klase 'pag nagkataon. Wala din magka-cutting class o kaya mangongopya tuwing may exams. kasi talaga naman kung mahuli ka ay hihiyain ang mabuti o kaya naman ay tatakpan mo ang tainga mo dahil hindi mo matitiis marinig ang mga sasabihin niya at panghihiya sa 'yo. Baka mag-scuba diving ka sa Bermuda Triangle ng wala sa oras.

Paano naman kung boss mo sa trabaho si Senator Miriam? Mukha naman siyang mabait pagdating sa trabaho. 'Yun nga lang, kapag nahuli ang nagloloko, siguradong sisante ka na agad.

Paano ung artista si Senator Miriam? Siguradong madadala sa eksena ang lahat ng mga manonood dahil sa tindi ng impact ng kanyang salita. Walang binatbat ang mga artistang ang alam lang ay pumorma. Baka sampalin niya lang siya ng walang ka-effort-effort.

Paano kung natalo niya si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa presidential elections noong 1992? Siguradong bugbog-sarado ang lahat ng mga kriminal at mga mandarambong. Baka nga ipatupad niya ang "Firing Squad Bill" na kung saan siya mismo ang babaril (para sa inyong kaalaman, magaling at asintado sa baril si Senator Miriam)

Pero kung ako ang tatanungin, mabuti na siguro na nasa kasalukuyang estado na lang si Senator Miriam. Big time na siya dahil International Court Judge siya. Ibig sabihin, mas mataas pa ang nakuha niyang katungkulan sa nililitis na Chief Justice ngayon. Mabuti na din ito asi palagi tumataas ang blood pressure niya apag nagagalit. Kung hawak niya ang responsibilidan ng bansa bilang presidente, baka patay na siya ngayon. Mabuti na siguro ito kasi walang naglalakas-loob na kumalaban sa kanya bilang senador dahil lahat ng mga kasama niya sa mataas na kapulungan ay literal na takot sa kanya.

Si Senador Miriam ay may mga katangian na ayaw nating mga Pilipino. Pero sa kanyang paggampan bilang taong nagsisilbi sa bayan, malaking tulong ang ginawa niya upang maunawaan ng mga Pilipino na hindi madali ang pinapakita ng kasalukuyang administrasyon na i-monopolyo ang utak ng mga intelektwal na tao. Hindi lahat ng mga naniniwala sa dilaw na administrasoyn ay kayang hawakan ang mga atulad niya. ahit nga si Presidente NoyNoy Aquino eh takot din sa kanya.

Bagama't maraming nagsasabing marumi ang pulitia sa Pilipinas, mayroon naman itong kulay dahil ay Senator Miriam. Sabi nga niya, "Lie me or hate... I'm just doing my job as a public servant." Hindi ko lubos maisip na kung liberal at matalinong mag-isip ang mga abataan ngayon tulad niya, malamang may pag-asa ang bansa natin na umahon sa kahirapan.

Pero sa ngayon, tingnan natin ang aya pa niyang gawin para sa bayan... lalo na sa impeachment trial ni Chief Justice Corona.

Aminado ako, nag-eenjoy ako sa impeachment hearing ni Corona. Salamat kay Senator Miriam.

Wah!