Tuesday, February 12, 2013

Epiko 46: "Ang Bababeng Hindi Naniniwala Sa Valentine's Day"



Hindi ko pa din makalimutan ang araw na ‘yun.

Tatlong taon na ang nakakalipas, Valentine’s Day noon. Tapos na ang klase ko ng mga oras na iyon. Hindi ko alam pero sa tuwing nakakasalubong ako nang dalawang magkasintahan ay naiisip ko na pinagpala ang araw na ito. Ang okasyon na ito ay nagpapaalaala sa atin ng kahalagahan ng pag-ibig sa bawat isa sa atin. Dahil dito, nagiging masaya, at mahalaga ang araw na ito.

Sa aking pagmumuni-muni, isang mensahe sa aking celphone ang natanggap ko – mula sa isang babae na nakalaimutan ko na “hindi” naniniwala sa espesyal na okasyon na ito.

Eksakto na wala kaming pasok dalawa, tinanong ko siya na kung pwede ko  siyang dalawin sa bahay nila. Pumayag naman siya. Nang nasa kanila na ako, naisip ko na yakagin siyang lumabas at maglakad-lakad.

Sa aming paglalalakad, tinanong ko siya kung naniniwala siya sa Valentine’s Day. Sabi niya, hindi naman pinaniniwalaan ng kanilang relihiyon ang ganitong klaseng okasyon. Medyo nalungkot ako sa sinabi niya. Pero naging isang hamon ito sa akin na kung paano ko ipapadama sa kanya ang kahalagahan ng araw na ito.

Gumala kami. Kumain, naglakad-lakad sa tyangge at nagkwentuhan. Ginawa kong masaya ang bawat sandali na magkasama sa kami. Hinayaan kong lumipas ang bawat oras na makasama siya at gumawa ng isang di makakalimutang alaala na umukit sa aming puso. Sa pagkakataon na ‘yon, pinaranas ko sa kanya ang kahalagahan ng Valentine’s Day. Doon niya napagtanto na isa itong mahalagang pagdiriwang sa dalawang taong namamahalan at kung paano ipadarama ang pagmamahal ng isang tao na di naniniwala sa araw ng mga puso. Niregaluhan ko siya ng bracelet, tanda ng aming samahan. Sinabi iko sa kanya ang dahilan kung bakit mahalaga ang February 14 sa nakakarami sa atin

Nang pauwi na kami, naisip ko na ito ang pinakamasayang Valentine’s Day ko sa piling ng isang taong hindi naniniwala dito. Ang maipadama sa kanya ang kahalagahan ng araw na ito ay hindi matatawaran ng chocolates, bulaklak at mamahaling regalo. Ang mga sandali na kasama ko siya isang alaala na di ko na malilimutan. Kahit na malayo na siya at hindi na kami nagkikita, alam ko sa sarili ko na may nagawa ako - ang maipadama ko sa kanya ang tunay na diwa ng Valentine's Day.

Ang pag-ibig, tulad ng sinabi ni San Valentino ay pagbabahagi ng kabutihan at katapatan ng kalooban. Walang taong hindi nakadama ng pag-ibig. Tayong lahat ay minamahal at nagmamahat ng kapamilya. Ngunit higit sa lahat, ang Diyos ang nag-iisang nakakaunawa sa atin kapag tinalikuran na nila tayo.

Happy Valentine's Day sa ating lahat. Maging maligaya nawa kayo sa piling ng mga nagmamahal, minamahal at mamahalin niyo.


 

Saturday, February 9, 2013

Epiko 45: "Si Boyet at Si Girlie"


 
 
Isang nakakatawa ngunit may kurot sa puso ang isang kwento ng pag-ibig ang ibabahagi ko sa inyo.

Guwapo, matalino, mabait at talentado – ito si Boyet. Kung ilalarawan siya ay masasabi mo na siya ang perpektong lalaki sa buhay ng kahit sinong kababaihan. Maganda ang reputasyon ng kanyang pamilya at may kaya sa buhay.

Walang mag-aakala na wala siyang pinagdaraanang problema. Ang totoo, isang tao ang kanyang pinoproblema…  Ang maganda, matalino at masipag na si Girlie.

Nagkakilala ang dalawa sa isang eskwelahan. Sa unang tingin pa lang ni Boyet kay Girlie, nahulog na ang loob nito sa kanya.  Naging magkaibigan sila at naging malapit sa isa’t-isa.Nagsimula siyang magpapansin at gumawa ng paraan para makuha ang matamis na “Oo.” Ngunit sadyang mailap si Girlie. Hindi na napansin ni Boyet ang paglipas ng panahon hanggang sa naging propesyonal na manunulat si Boyet at isang guro ng pre-school si Girlie.

Itinuloy pa din ni Boyet ang panlilgaw kay Girlie kahit alam niya na nasa “friendzone” siya. Pinanghawakan niya ang sinabi ng babae na “Siguro ganito na lang muna tayo Boyet… kung okay lang sa ‘yo.”  Tinanggap naman niya iyon at naging classic example ng  “Abangers.” May mga pagkakataon na nalalaman niya na may mga lalaking umaaligid kay Girlie. Nasasaktan siya at nagseselos kahit hindi sila ni Girlie. Kahit na nagchi-chicks paminsan-minsan si Boyet, hindi niya makalimutan at mawala sa isip niya si Girlie. Naging theme song niya ang "Kaibigan Lang Pala" ni Jaramie, "Kailan" at "Kahit Habambuhay" ng Smokey Mountain at "Ang Pusa Mo" ng Pedicab.

Pakiramdam ni Boyet, umaasa siya sa wala. Pakiramdam niya ay para siyang pizza na may bubog na toppings at kapag nakikita niya si Girlie na may kasamang ibang lalaki. Ipinapanalangin niya na sana ay makatapak sila ng Lego pagkatapos maligo. Wasak na wasak si Boyet sa panunuyo kay Girlie. Pakiramdam niya, binabalewala siya nito habang kinakanta ang chorus ng kantang "Ang Pusa Mo." (Pakinggan mo ang kanta para malaman niyoo).

Pero ang totoo, ayaw pumasok sa relasyon ni Girlie sa kadahilanang mahal niya si Boyet. Ayaw niyang masakatan at ayaw niyang masira ang friendship nila. Mahalaga ito para sa kanya. Bukod pa doon ay may madilim na nakaraan si Girlie sa pakikipagrelasyon. Na-trauma siya sa isang guy na hindi nasuklian ang pagmamahal na ibinigay niya na halos ikabaliw at ikamatay niya. Simula noon, wala na siyang sineryosong lalaki. Ngunit nang nakilala niya si Boyet, nagbago ang lahat ngunit takot na takot siyang magmahal at masaktan muli kaya nilagay niya sa “friendzone” si Boyet.

 May pagkakataon na pinagtataguan niya si Boyet at hindi sinasagot ang mga mala-nobelang text nito. Ngunit malakas ang fighting spirit ni Boyet dahil hindi siya sumusuko. Hindi siya nauubusan ng gimik at mga paraan tulad ng pagbibigay ng pan de sal sa umaga kahit na may asong bantay sa bahay at hinahabol siya ng gwardiya o pagyayakag sa mga concert at events na alam niyang tatanggihan ni Girlie. Ngunit may pagkakataon din naman na pinupuri niya si Boyet sa kanyang ginagawa na malamang na nagbibigay ng dahilan kung bakit kailangan magpatuloy si Boyet na mahalin si Girlie. Dinadaan na lang ni Boyet sa biro ang lahat dahil ang gusto niyang mapangiti o mapasaya si Girli Maliit na bagay man ito sa nakakarami ay kayamanan na ito para kay Boyet.

Sa madaling salita, mahal nial ang isa’t-isa. Ngunit sadyang may mga bagay na hindi na dapat ipagpilitan pa.

Ang kwento ng pag-ibig nina Boyet at Girlie ay kwento nating lahat. Dahil mahal natin ang isang tao, hindi tayo sumusuko kahit na anong pagsubok o pahirap ang gawin nila sa atin. Minsan, natatakot tayong masaktan at magmahal kasi ayaw nating mawala ang pinakamahalaga at minamahal na tao sa buhay natin. Ngunit hindi lahat ay katulad ni Boyet. Napapagod din ang nakakarami sa atin at mabilis sumuko. Kung minsan, para tayong si Girle na nagiging makasarili at sarili lang ang iniisip. Ito ang dahilan kung bakit hindi natin matagpuan ang tunay na pag-ibig sa buhay natin.

 Normal lang na maging tanga sa pag-ibig. Ganun talaga eh. Kahit sino pwedeng makaranas nito. Ngunit tandaan niyo na may mas magandang bagay pa bukod sa pag-ibig. Kung gusto mong maging katulad ni Boyet o Girlie, gawin mo. Walang masama doon basta kung ito ang makakapagpasaya sa ‘yo, gawin mo. Ang pag-ibig ay punong-puno ng mga bagay na mahirap ipaliwanang. Sa banadang huli, ikaw ang magdedesisyon.

Bahala ka sa buhay mo.

 

 

Wednesday, January 23, 2013

Epiko 44: “Di Ka Masaya. Pagod Na Ako. Tapusin Na Natin Ito”

 
 


Mayroon akong isang kwento na ibabahagi sa ‘yo.

Naalala ko ang isang insidente sa aking buhay na nagmahal ko ng isang tao na higit pa sa sarili ko… na ibinigay ko ang lahat upang mapatunayan ang espesyal na nararamdaman ko sa kanya. Noong mga panahon na iyon, akala ko posible pala na ikaw lang ang nagmamahal. Ngunit aking napagtanto ang isang bagay na habang lumilipas ang panahon ay aking hindi nabibigyan ng pansin… partikular sa aking sarili.

Habang naglalakad ako pauwi, napansin ko ang isang daan na iisa lang ang lane. May dalawang sasakyan na nagkasalubong. Natigilan ang dalawa at nagtalo. Hindi sila magkasundo tungkol sa kung sino ang magbibigay o magpapaubaya para makadaan. Humantong ito sa pagtatalo hanggang sa nagkasakitan na sila.

Gusto kong umawat. Pero wala akong magawa. Sa halip, pinanood ko na lang sila.

Simpleng bagay lang pinangyarihan ng kanilang di pagkakaunawaan. Ngunit dahil wala sa kanila ang gustong magsakripisyo, hindi sila nagkaunawaan.

Malamang ganito din pagdating sa pag-ibig. Dapat nire-reciprocate. Kung baga sa daan, dapat “two way.” Sabi nga ni Ramon Bautista sa kanyang internet show na “Ramon Bautista’s Tale From The Friend Zone,” ang pag-ibig, ay hindi laging cheesy at huma-happy ending. Ang tunay na pag-ibig ay masakit, punong-puno ng sakripisyo at luha. Kapag naranasan ito ng isang tao, doon lang niya masasabi na nagmahal siya ng totoo. Hindi mo kailangan pahirapan o itulak ang iyong sarili sa isang tao na wala naman pakialam sa nararamdaman mo. Talagang nagiging tanga tayo pagdating sa aspetong ito. Ngunit kahit ano pa ang sabihin ng mga eksperto sa pagpapayo pagdating sa pag-ibig, sa bandang huli, kailangan mong suklian ang lahat ng isinakripisyo ng isang taong nagmamahal sa iyo nang sa ganoon ay magkaroon kayo ng maaayos na pagsasama.

Hindi ako eksperto pagdting sa pag-ibig. Kung tutuusin, hindi ako nadadala kapag nagmamahal ako. Wala akong itinitira sa sarili ko dahil para sa akin, ang taong mahal ko ay dapat marananasan na minsan sa buhay nila ay may nagmahal ng totoo at puno ng pag-asang makasama siya habambuhay.

Ngunit isa itong making katotohanan.

Paano mo masasabi na nagmahal ka ngunit di mo kayang suklian (o kung sakali man ay higitan pa) ang pagmamahal na ibinigay niya para sa ‘yo? Hindi naman yata tama ang lohika sa likod nito. Isang bagay ang malinaw – na isang malaking katangahan ang umaasa sa isang tao na hindi marunong magbalik ng lahat ng isinakripisyo sa kanya. Isang kalapastanganan ang tumatanggap lang at hindi nagbibigay.

Para sa mga taong takot at ayaw magsakripisyo pagdatying sa pag-ibig, walang pupuntahan ang relasyon niyo kung magiging makasarili kayo. Masama man isipin at unawain, ito ang realidad na pilit na tinatakasan ng sinuman. Ang pagkukulang ay hahanapin sa iba. Ang tanga ay matututo at ang sawi ay magiging panalo. Kung mayroon man na hindi pagkakaintindihan, isa sa inyo ng taong mahal mo ay hindi marunong tumanggap. Hindi magiging masaya, maayos at tatagal ang relasyn niyo.

Kung di na siya masaya sa sitwasyon at pagod ka na sa pagbibigay, mas mabuti pang tapusin na lang ang kung anong mayroon kayo.

Bakit ba ako nagsusulat ng mga ganitong klaseng blog, ito sa kadahilinanang nasa sitwasyon ako na tulad ng aking ipinaliwanang. Masakit pala kapag di ka kayang ipaglaban ng taong mahal mo… na kung saan ay malaki ang isinakripisyo mo para lamang mapatunayan na mahal mo siya. Ngunit parang hindi siya masaya at pinahahalagahan ang lahat ng aking ginawa.

Ano pa ang saysay para ituloy ito?

Wala!

Dumating sana ang panahon na maipaglaban niya ako. Hindi sa sinisingil ko siya sa mga binigay at ginawa ko sa kanya… Sana lang, maisip niya na kung hindi na siya masaya sa akin, pagod na ako.
Mas mabuti pa na tapusin na lang namin ang lahat-lahat sa amin.

Thursday, December 27, 2012

Epiko 43: "Iputok Mo Sa Labas"


 
Malapit nang magtapos ang taong 2012. Excited na ang lahat sa “Year of the Water Snake.” Sari-saring prediksyon na ang lumalabas sa radyo, TV, pahayagan at Internet. Lahat ay excited sa pagpasok sa taong 2013.

Ngunit sa likod ng mga lucky charms, pagpapatupad ng “Sin Tax Bill,” hula at naunsyaming “End of the World” (ayon sa Mayan Calendar), mas patok pa din ang paggamit ng mga Pilipino ng paputok na namana pa natin mula sa mga Intsik. Sabi nga nila, dapat salubungin ang padating na taon na puno ng ingay ay ilaw dahil nagtataboy ito ng masamang espiritu.

Pagdating sa usapang paputok. Mayroon akong kwento na ibabahagi sa inyo.

Natatandaan ko pa noong bisperas ng bagong taon noong 1990, unang beses akong nakahawak ng labintador. Nagpaputok ako at muntik na akong masugatan. Pero hindi ako nadala, bagkus ay inubos ko pa ang isang balot nito. Kinagabihan, kasama ko ang mga kaibigan ko na magpaputok ng binili naming paputok. Isa sa mga kalaro ko (na pumanaw na) ay nagsindi nito na may taklob na basag na porselanang plato. Lahat kami ay naghihintay sa mangyayari. Ngunit hindi pa ito pumuputok Hanggang sa nilapitan ko ito at sinilip kung ano ang nangyari.

At nangyari na ang hindi inaasahan.

Noong mga sandaling iyon, wala akong makita at narindi ang pandinig ko. Para akong na-flashbang” sa Counter Strike. Nang medyo nakakakita na ako ng liwanag. Napansin ko na duguan na ang damit. Ko. Nakita ko na lang ang mga kalaro ko na tumatakbo palayo sa akin. Nagtaka ako. Hanggang sa unti-unti ko nang nalalasahan ang dugo sa akin labi. Doon na ako nakaramdam ng takot at kaba.

Agad akong umuwi sa amin. Wala sa bahay ang mga magulang ko kaya dali-dali akong umakyat sa loob bahay naming. Doon ko na nakita ang sarili ko sa salamain na duguan at sugatan. Ngunit hindi ako umiyak. Napansin ko na may nakatusok sa gitna ng aking kilay – isang mahabang bubog na nakabaon ng malalim. Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas para hugutin ito.

Natataranta na ako ng mga oras na iyon. Hanggang sa nakita ko ang isang bote ng Eskinol sa may kabinet. Kumuha ako ng bulak at nilagyan ito at ipinahid sa mukha ko. Doon ako napasigaw sa hapdi at sakit (Note: Wala pang Eskinol na “Clear” kaya pati ‘yung tawas na nasa loob nito ay kasama nang naipinahid ko ito sa mukha).

Di nagtagal ay dumating ang mga magulang ko. Nang nakita nila ako, agad nila akong isinugod sa pinakamalapit na ospital. Natatandaan ko na tinahi ang parte ng mukha ko na kng saan binunot ko ang bubog.

Nagsilbing malaking aral ito sa akin. Nang dahil doon, mas nagging maingat ako sa paghawak ng paputok. Kahit hanggang ngayon, pag nagpapaputok ako, sinisigurado ko na walang disgrasya na magaganap… sa loob man o sa labas ng bahay.

Kaya kung maaari, mag-ingat tayo hindi lang tuwing bagong taon kundi sa mga taon na dadating sa ating buhay hindi lang sa paputok kundi sa mga bagay na pwede tayong makadisgrasya.. Tandaan natin na sa pag-iingat nagiging ligtas ang bawat isa at kung ligtas ka, panatag ka. Gumamit ng mga kasangkapan na pwedeng magligtas sa ‘yo sa oras ng kapahamakan. Kung kaya mong iligtas ang iba, tulungan mo sila sa pagbibigay ng mga payo o aral na magagamit nila kapag napapahamak sila.
Ngayong bagong taon, mag-ingat sa paputok. Huwag magpaputok sa loob ng bahay. Iputok mo sa labas.

Wednesday, December 26, 2012

Epiko 42: "Ang Hirap Isulat Ang Love Story Namin"


“Ehmergehrd! Ang hirap!”

Kanina ko pa gustong isulat ang isang kwento ng isang kahanga-hangang babae na nakilala ko ngayong taon na ito sa lugar na kung saan nakita ko ang kapanatagan at katahimikan ng buhay. Ngunit nagiging maingat ako sa mga salita na gagamitin ko sa kadahilanang masyado siyang sensitibo sa mga bagay na gusto kong sabihin. Sabihin na natin na nasa kanya ang isang katangian ng isang tunay na babae – sumpungin (o sa salitang balbal, “topakin.”)

Natatandaan ko pa ang una naming pagkikita: Agad kong napansin ang kanyang punto at tono ng pananalita… malambing na tila musika sa aking pandinig ngunit nakakabingi dahil marami siyang tanong na gusto kong sagutin. Hindi ko naman talaga siya pinapansin o talagang hindi siya papansinin. Ngunit kung titigan mo siya, makikita mo ang isang nakatagong kagandahan sa kanyang mga ngiti. Pero kapag kumanta na siya, parang matutupad ang sinasabi ng Mayan Calendar dahil sa boses niya na gugunaw ng mundo (sa madaling salita, mahilig siyang kumanta pero parang distorted ng bass ang boses niya).

Sa dinami-dami kong blogs na isinulat para sa mga particular na babaeng nagdaan sa buhay ko, ngayon lang ako nahirapan ng ganito. Ang hirap niyang ilarawan bilang isang babae. Hindi naman siya maganda, matangkad, matangos ang ilong at iba pang katangian na hinahanap ko sa isang babae. Iba siya sa lahat ng babaeng nakilala ko. Para bang pagsisihan mo ng malaki kapag sinaktan mo siya at pinaiyak. Noong una, ayokong tanggapin ang mga bagay tungkol sa kanya na pumapasok sa aking isip.Dumating sa punto na inilapit ko na ang sarili ko sa kanya upang malaman ko ang tunay niyang nararamdaman para sa akin. Ngunit talagang matibay ang pana ni kupido at tumagos sa puso ko at sa pagkakataong ito hindi ko pa nararanasan ang makaramdam sa isang babae na tulad nito.

Nasundan ito ng mga paglabas at paggala sa mga lugar na gusto namin puntahan. Kahit na medyo nakakailang kasi may kasama kami, alam ko na pareho kaming masaya dahil magkasama kami. Isang bagay din ang gustong-gusto ko sa kanya – Iyon ay kapag kinukunan ko siya ng larawan. Hindi ko alam sa sarili ko pero gustong-gusto ko siyang kunan ng larawan. Sa mga ngiti niya na nakukunan ko, isang saglit sa buhay niya ang nakukuha ko na nagiging isang kayamanan na walang katumbas na halaga.

Mahirap talagang isulat ang mga ginawa namin sa isa’t-isa. Parang isang magic na mahirap paniwalaan dahil may daya. Ngunit ang ngiti at saya na ibinigay niya sa akin ay hindi biro… kundi isang himala.

Hanggang sa minahal ko na siya ng tuluyan. Bagay na nagging dahilan upang maghilom ang sugat ng aking madilim na nakaraan.

Nais ko siyang pasalamatan sa mga bagay na ginawa niya sa akin (kahit wala siyang ideya. Malaking pagbabago ang ginawa niya sa buhay ko.). Nagsilbi siyang “pag-asa” sa puso kong luhaan, sugatan at hindi na mapakinabangan. Napatunayan ko na higit sa pagmamahal ang naramdaman ko sa kanya. Kaya nga hindi ko siya sasaktan, babaguhin at ikukumpara sa iba. Pakiramdam ko, para akong nagmahal sa unang pagkakaton na di nakaranas ng sakit at luha ng pag-ibig.

Kung anuman na mayroon kami ngayon, ito ay lubos kong ipinagpapasalamat. Walang sinuman ang pwedeng manakit o magpaluha sa kanya dahil kapag nangyari ‘yon, uubusin ko ang ngipin ng taong dumurog sa puso niya. Dahil sa kanya, tuluyan ko nang nakalimutan ang pait, sakit at dalamahati ng nakaraang taon sa piling ng isang babae na hindi nakayang ipaglaban at ipagtanggol ang pagmamahal na ibinigay ko sa kanya. Ngayon, sigurado na ako sa sarili ko na “siya” na talaga. Siya ang dahilan kung bakit ko kailangang magmahal muli na tila hindi nasaktan o nakaranas ng matinding pighati.

Ang dahilan? Mahal ko siya. Hindi ito ordinaryong pagmamahal. Mahal ko siya sa hindi mabilang na dahilan. Mahal ko siya sa hindi maipaliwanag na pakiramdam. Mahal ko siya dahil siya ang pag-asang hinahanap ko  para magpatuloy sa buhay. At higit sa lahat, mahal ko siya dahil siya ang tinitibok ng puso ko.

Tuesday, December 25, 2012

Epiko 41: "Pag-asa"


Pag-asa…

Ano ba ang kahalagahan nito sa buhay ng tao?

Marahil naranasan mo nang bumagsak sa isang pagsusulit o di kaya ay matalo sa isang kumpetisyon. Maaaring may isang tao na mahalaga sa buhay mo ang nawala o kaya naman ay nagkaroon ka ng matinding krisis sa iyong buhay na halos ikabaliw o ikasira ng buhay mo at sa mga taong nakapaligid sa iyo. Malamang naitanong mo sa iyong sarili kung bakit mo nararanasan ang simple o kumplikadong sitwasyon sa buhay mo. Minasn siguro sa buhay mo ay naranasan mong maging desperado dahil nakalugmok ka sa problemang kinatatayuan mo.

Ang pagpasok ng taong 2012 para sa akin ay hindi nagging madali para sa akin. Mahirap magsimula sa sitwasyong nawala ang lahat sa buhay mo… propesyon, pag-ibig, dangal, pamilya at alaala na mayroon ako ay nawala na parang bula . Ngunit dahil ang buhay ay isang malaking dagat, kailangan mong sumabay sa agos ng buhay. Hindi ko hinayaang malugmok ako sa kadiliman na kinasadlakan ko noong isang taon. Sa paglipas ng mga araw, lingo at buwan na kung saan pinipilit kong kumawala sa isang bangungot ay nagkaroon ako ng lakas ng loob mula sa aking mga magulang, kamag-anak, kaibigan at minamahal upang makapagsimulang muli. Sa madaling salita, hindi ako nawalan ng pag-asa sa buhay.

Hanggang sa dumating ang bagong landas na aking tinatahak sa kasalukuyan. Nagpakalayo-layo pang hanapin ang mga bagay na kukumpleto sa aking pagkatao gayundin ay ituloy ang aking pangarap at magsikap sa aking piniling desisyon sa buhay. Kahit na maraming pagsubok akong hinarap upang malagpasan ito, naniniwala ako na may liwanag ng pag-asa akong makikita sa dulo nito.

At hindi ako nagkamali.

Kapiling ang bagong pamilya, trabaho at taong muling nagpatibok ng puso ko, nagging malakas ako upang unti-unting kumawala sa bangungot na patuloy na gumagambala sa akin, Sila ang nagsilbing pag-asa ko sa kabila ng aking madilim na nakaraan. Muli, nagkaroon ng bagong liwanag at ligaya sa aking buhay. Unti-unting nawala ang pangamba at takot sa puso ko dahil pinawi ito ng mga bago at magagandang alaala mula sa kanila. Tulad ng isang himala, ito’y hindi ko maipaliwanag.

Napagtanto ko na may isang bagay ang bumalik sa akin na inakala ko na nakasama ng aking nakaraang pilit kong kinakalimutan… ang magbigay pa-asa sa mga taong nasa kadiliman. Bilang isang guro ng makabagong henerayon, tungkulin ko ang magbigay ng pag-asa sa mga taong naligaw ng landas. Sa tulong ng Diyos, alam ko na papatnubayan Niya ako kasama ang mga taong mahahalaga sa akin. Hindi ko na hahayaan na kunin uli ng pagkakataon ang magandang biyaya na ipinagkaloob sa akin.

Ang taon na ito, na sinasabi ng nakakaramai na “Taong ng Pagkagunaw” (ito ay ayon sa Mayan Calendar na hindi ko naman pinaniwalaan) ay nagsilbing bagong simula para akin. May kasabihan nga na “Sa bawat katapusan ay may panibagong simula.” Ang taon na ito ay nagsilbing paalala sa akin na may pag-asa ang bawat isa na nagkaroon ng hindi magandang karanasan. Pag-asa sa pamilyang nagkaroon ng matinding pagsubok na muling makabangon; Pag-asa sa propesyon na ipagpatuloy dahil sa pangarap at pagsisikap nitong taglay; Pag-asa na maibalik ang dangal bilang isang tao na kinuha ng masalimuot at bulok na sistema; Ngunit higit sa lahat, pag-asa na muling magmahal at mahalin ng isang taong tunay na nagmamalasakit at nagbibigay ng panibagong pag-asa upang mabuhay.

Manigong bagong taon sa inyong lahat. Nawa’y tulad ko, patuloy na manalig sa pag-asang gustong makamit sa susunod na taon.

Thursday, December 13, 2012

Epiko 40: "Si Emong at si Chi-Chi Part 2"


Sa buhay, may mga bagay na hindi natin maintindihan. Tulad ng pag-ikot ng mundo sa araw, pa-usbong ng unang sibol ng palay, pag-utot, at pagkakaroon ng isang natatanging pag-ibig, lahat ng bagay sa mundo ay punong-puno ng misteryo.

Bagama’t sa likod ng mga misteryong ito, lahat tayo ay naghahangad ng kasagutan sa mga tanong sa ating naliligaw na kamalayan. Pero minsan, mas gugustuhin na lang ng ilan na huwag na lang alamin kung bakit.

Basta ‘yun… Alaman na.

Katulad na lang ng isang tao na minsan naging laman ng blogs ko dalawang taon na ang nakakaraan. Nang makilala ko siya, naisip ko na napaka-swerte kong tao. Ewan ko ba pero hindi ko maiwasan na ngumiti at maging masaya sa tuwing naiisip at naaalala ko siya. Kahit ako nga ay nagtataka din sa sarili ko kung bakit.

Sa halos isang taon na nakasama ko siya, naramdaman ko na pwede ka naman palang maging masaya sa isang tao at panatilihin ang magandang samahan. Sa kanya ako nakaramdam ng walang malisya, pagnanasa at pagdadamot. Halos nasa tabi niya ako kahit na anong mangyari at handang gawin ang lahat hangga’t makakaya ko. Hindi ako naging madamot sa kanya. Gusto ko lang iparamdam sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin.

Hanggang sa umalis na siya ng tuluyan at hindi nagpaalam sa akin. Pakiramdam ko, nawalan ako ng mahalagang tao sa buhay ko. Sobrang lungkot ko nang nawala siya.

Hindi ko kasi nasabi sa kanya ang mga bagay na gusto kong sabihin.

Pero hindi ako sumuko na hanapin at panatilihin ang aming komunikasyon at pagkakaibigan. Minsan lang dumating ang isang katulad niya. Ayoko siyang mawala sa akin.

Pero dahil kailangang labanan ang maling damdamin, pinilit kopng kinalimutan siya.

Lumipas ang isang taon, napakadaming nangyari sa buhay ko. Masasabi ko na talagang nalampasan ko ang pinakamatinding pagsubok na nagdaan sa buhay ko – ang mag-move on sa kanya.

Pero eto na naman siya. Hindi ko alam kung bakit ako nagkakaganito kapag nakaka-text siya. Napansin ko din na noong nagsisismula ang blog na ito ay isa siya sa mga naging dahilan kung bakit ko kailangang magsulat muli.

Tulad ng paligi niyang ginagawa, ibinabalik niya sa akin ang mga ngiti na nawawala sa akin.

Okay lang sana na maging “boyfriend sagigilid” niya kaso parang ayoko na din. Ayokong masira kung anon a mayroon kami ngayon. Mahalaga siya sa akin kahit minsan ay hindi niya ako pinahahalagahan.

Hinihintay ko ang muli naming pagkikita… kaso di ko alam kung saan, kalian at paano. Pero mas mabuti na din ang ganito. Ang mahalaga, hindi siya nawala sa akin.

Ngayon, naiitindihan ko na kung bakit… siya na nga siguro ang dahilan kung bakit ako nagsusulat at patuloy na magsusulat.

Hay naku… Trending ka na naman sa puso ko.